Sa Pagtatapos ng Semestre…

Batid ko noon pa man ang kahalagahan ng panitikan. Subalit isa ako sa mga kabataan na libangan lamang ang tingin sa pagbabasa. Maraming puwedeng basahin ngunit mas pinipili ko yaong mga magbibigay aliw sa akin. Ngunit ngayong semestre, ang pagkakaroon ng kursong may kinalaman sa panitikan ay mas nakapagbukas ng aking isipan at nagbukas ng panibagong pinto tungo sa isa pang mundo ng panitikan na hindi ko gaanong pinapansin.


Pinabasa sa amin ang ilang mga akda na may iba’t-ibang paksa at perspektibo. Bawat akda ay may kaniya-kaniyang isyu na tinatalakay na sa tingin ko ay napapanahon pa rin naman. Kung papipiliin man ako ng pinakanagustuhang kuwento, masasabi kong pinakatumatak sa akin ang Ritwal hindi lamang dahil sa husay ng pagkakasulat kundi dahil na rin sa bigat ng tinatalakay nitong isyu. Gayunpaman, bawat akda ay magandang naisulat at naipahayag kung ano ang nais ipahiwatig ng mga awtor nito. Dahil dito ay mas naging interesado akong tumuklas ng mga akda sa wikang Filipino na pinapaksa ang mahahalagang isyu ng lipunan. Ang mga isyung ito ay dapat na mas pinagdidiskusyonan sapagkat hindi lamang isang komunidad kundi isang buong bansa ang naaapektuhan ng mga isyung ito. Sa tingin ko ay panitikan ang pinakamabisang paraan upang bigyang kaalaman ang masa tungkol dito.


Hindi lamang pagbasa ang aming ginawa dahil ipinasuri rin sa amin ang mga kuwentong aming binasa batay sa nilalaman, anyo at orihinalidad nito. Aaminin ko na hindi ito naging madali sa akin dahil hindi naman talaga ako yung tipo na mahilig magsiyasat ng mga sulatin. Subalit ang karanasan na ito sa kursong Panitikang Filipino ay nakatulong sa akin upang maging mas mapanuri sa mga babasahin. Bagaman hindi pa ako ganoon kagaling, isa itong simula at paraan upang mas mahasa pa ang aking kritikal na pag-iisip.


Ipinakilala rin kami ng aming propesor sa iba’t-ibang manunulat na Pilipino. Sa totoo lang ay napapakunot ako ng noo sa tuwing nagbabanggit ng pangalan ang aming guro sapagkat hindi ko sila kilala. Gayunpaman, sa tuwing nababasa ko naman ang kanilang mga akda at ikinukwento ni sir kung tungkol saan ang kanilang mga isinusulat ay napupukaw nito ang aking interes. Napagtanto ko na kay rami pala ng mga manunulat dito sa ating bansa na puwede nating ipagmalaki at makatutulong sa atin upang mas mapalawak pa ang ating pag-iisip at perspektiba.


Higit sa lahat, isa sa mga mahahalagang natanto ko sa pag-aaral ng kursong ito ay ang kagustuhan kong palawigin pa ang aking kaalaman at i-improve pa ang aking sarili. Sa tuwing oras kasi ng klase ay nakikinig lamang ako. Kahit na may mga ideya ako ay pinangungunahan ako ng kaba at hindi alam kung paano sasabihin ang mga ito. Sa pamamagitan ng klaseng ito ay tila ba sinampal ako ng katotohanang mas kailangan ko pang pagbutihin ang sarili ko hindi lamang sa pagsusuri ng akda kundi sa pag-aaral nitong college program na kinuha ko.

Ritwal

Nakapupukaw ng damdamin at kamalayan. Ganito ko mailalarawan ang akda ni Levy Balgos Dela Cruz na pinamagatang Ritwal. Nailathala man noon pa mang 1998, ang kuwento ay nagsisilbi pa ring isang salamin ng kalagayan ng ating lipunan sa kasalukuyan.


Sa teknikal na aspeto ay di maipagkakailang mahusay ang manunulat. Bagaman nakababagot nang bahagya ang mga unang kabanata ng maikling nobela dahil sa tila mabagal na pacing ay tanto ko namang kinailangan ito upang mabuo ang pundasyon ng kuwento. Buong buo ang pagkakakilanlan ng bawat karakter na kahit ilang linggo na ang nakakaraan matapos ko itong basahin ay natatandaan ko pa rin kung paano ako nainis kay Maestro Gido, napatawa ng introduksyon sa karakter nina Isabel at Daling, naawa kay Anna at humanga sa mag-asawang Corpus. Ang paraan ng paglalarawan ng mga bagay bagay sa kuwento ay naging epektibo upang maramdaman ng mambabasa ang pananahan sa isang probinsiya.


Ipinapakita ng kuwento kung paanong ang kamangmangan, pagsabay sa agos at pagtanggap na lamang ng sitwasyon, at ang patuloy na pagpapakulong sa sarili nating mga paniniwala ay nagiging mapanganib at nagtutulak sa atin sa kapahamakan. Katulad ng karakter ni Maestro Gido, maraming may kapangyarihan ang patuloy na gagamitin ang kawalan ng sapat na kaalaman ng mga mamamayan upang sila lamang ang makinabang habang nagbibigay ng mapagkunwaring pagtulong. Ganito ang eksaktong nangyari sa mga taong naninirahan sa Santo Sepulcro. Binulag sila ng kanilang mga paniniwala tungkol kay Maestro Gido kung kaya umabot pa sa puntong may namatay at batang pinagsamantalahan upang mamulat sila sa pananamantala ni Gido. Ipinakita kung paanong ang mga paniniwala, partikular ang relihiyon, ay ginagamit upang manipulahin ang isipan ng mga mamamayan.


Edukasyon ang pinakamabisang paraan upang magamot ang kamangmangan na ito at makawala sa gapos ng mapagsamantala. Sa kuwento ay nagsilbing liwanag ang mag-asawang Corpus sa bayan ng Santo Sepulcro sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa mga residente nito. Dito na makikita kung paanong ang mga tradisyonal at modernong mga kaisipan ay nagbabanggaan. Gayunpaman, naging bukas ang isipan ng maraming residente tungkol sa mga modernong paliwanag ng mga tradisyonal nilang kaugalian, partikular na ang sa paggamot ng kanilang mga pangkaraniwang sakit. Sa tulong ng mag-asawang Corpus, nagawang makaalpas ng mga taga Santo Sepulcro sa mapang-abusong paghahari-harian ni Gido at mapaunlad ang kanilang bayan.


Noong inakala kong magiging maayos na ang lahat sa bayan ay tsaka naman muling humarap sa isa na namang pagsubok ang mga residente nito. Ang mga taga Santo Seplucro na nagsimula nang tumayo sa kanilang sariling mga paa ay bigla na lamang paaalisin ng mga opisyal sa lupang kanilang tinitirhan. Isa itong paglalarawan ng pagpapahirap at pagapaparanas ng opresyon sa mga taong ang tanging “kasalanan” ay ang pagiging mulat at paggawa ng aksyon upang sila ay mapabuti ang kalagayan.

“Hindi, hindi pa tapos ang istorya’t historya ng Santo Sepulcro.”


Maging sa tunay na buhay ay hindi matatapos ang istorya at historya ng Santo Seplucro.

Nanay

Marami na akong nabasang akda na patungkol sa isang ina. Karaniwan sa mga ito ay isinasalaysay ng kanilang mga anak. Madalas ay ipinapakita ng mga tekstong ito kung paanong nagsasakripisyo ang mga nanay para sa kapakanan ng kanilang mga anak. Kung minsan naman ay ang nanay ang nagkukwento ng kaniyang mga karanasan sa pag-aalaga sa kaniyang mga anak. Dahil dito, inakala kong magiging ganito rin ang takbo ng kuwento ni Fanny Garcia na pinamagatang Nanay.


Isinulat ang kuwento sa ikatlong panauhan. Kung sa unang panauhan ay mas madaling maintindihan ang damdamin ng karakter dahil siya mismo ang nagsasalaysay, sa ikatlong panauhan naman ay kailangan ng higit na pag-aanalisa sa mga sinasabi at ginagawa ng tauhan upang maintindihan ang kaniyang nararamdaman. Subalit sa kabilang banda, ang paggamit ng ikatlong panauhan ay tila hinahayaan ang mambabasa na maging manonood sa mga nangyayari sa isang akda. Mas nakikita niya ang iba’t-ibang perspektibo ng iba’t-ibang karakter at nauunawaan ang pinanggagalingan ng bawat isa.


Isang mahabang parte ng teksto ay ang pagsasalaysay ng nanay ni Eloisa kung paano ang ginagawang pag-aalaga sa mga buntis noong panahon nila. Interesante ang parteng ito subalit madaming salita ang hindi pamilyar sa akin at medyo nahirapan akong intindihin. Gayon pa man, hindi naman naging hadlang ito upang basahin at ibsan ang aking kuryosidad sa kung ano ang mangyayari sa pagbubuntis ni Eloisa.


Ang katapusan ng kuwento na nagpaguho sa mundo ni Eloisa at nagdulot naman ng kalungkutan sa akin bilang mambabasa ay masasabi kong isang plot twist na hindi ko inasahan. Nahinuha ko nang hindi mabubuhay ang anak niya subalit ang hindi ito mabuo sa loob ng sinapupunan niya o maging isang blighted ovum ay mas malala ang kirot sa damdamin. Nagawang ipakita ng awtor ang hinagpis ni Eloisa sa pagkawala ng kaniyang panganay sa pamamagitan lamang ng paglalarawan sa kaniyang mga kilos at salita.


Kapansin-pansin ang pagsasalpukan ng mga tradisyonal at modernong kaisipan sa teksto, partikular sa pamamaraan ng pag-aalaga ng isang buntis. Hindi na nakapagtataka kung ang magkasalungat na paniniwalang ito ay nagdulot ng pagkalito kay Eloisa. Ang mga tradisyonal na gawaing ito, bagaman hindi napatunayan, ay tila epektibo naman dahil sa mga matatandang nananatiling buhay na pruweba. Subalit ang mga modernong kaisipan ay napatunayan ng siyensiya at marami sa bagong henerasyon ang mas pinipiling maniwala dito. Gayunpaman, hindi maaaring diktahan ang sinuman kung alin ba ang dapat niyang sundin para sa kaniyang kabutihan sa kahit anumang aspeto.

Kubeta

Pagtataka ang unang sumagi sa aking isipan tungkol sa akdang pinamagatang Kubeta. Marahil ay dahil ito sa mismong pamagat na naging dahilan upang ako’y maintriga. Non-fiction daw ito, sabi ng aming propesor. Bihira lamang akong magbasa ng mga non-fiction sapagkat kadalasan akong nababagot sa mga sanaysay. Ngunit iba ang kaso sa sulating ito.


Sa simula ay medyo naligaw pa ako at hindi ko sigurado ang pupuntahan ng sulatin dahil ang tinutukoy lamang naman ng may-akda ay ang kubeta nila na ayaw madudumihan. Sa aking isip ay hindi ba’t ganito naman sadya ang mga nanay? Subalit nang simulan nang ikuwento ng awtor ang kaniyang nakaraan, tila ba itinuro ako nito sa tamang direksyon at nagkaroon na ako ng ideya kung ano ang nais iparating ng akda – kahirapan.


Kapansin-pansin ang lengguwaheng ginamit ng awtor lalo na sa pagsasalaysay ng kaniyang mga engkuwentro sa kubeta habang siya’y lumalaki. Hindi siya gumamit ng mabibigat na salita at pinanatili itong kaswal na tila nakikipag-usap lamang sa mambabasa. Deskriptibo ang pagkakahabi ng mga pangungusap subalit hindi impormal ang kinalabasan. Ito ang siyang naging isa sa kalakasan ng akda. Madalas ang mga sanaysay ay mayroong mabibigat na termino na kung minsan ay hindi agad maiintindihan ng mambabasa na nagiging isa sa kahinaan nito. Mahihinuha na ang akdang ito ay sadyang ginawa upang ipaalam sa masa ang pinagdadaanan ng mga taong kagaya niya.


Tila normal na lamang sa ating pang-araw-araw na gawain ang paggamit ng kubeta. Subalit binali ito ng may-akda at nilapatan ng panibagong konteskto. Ang dating kubeta lamang ay ginawa niyang simbolo ng estado sa buhay at ng mga paghihirap na na nararanasan ng mga taong hindi nakakaranas ng karangyaan. Sinimulan niya ito sa pamamagitan ng pag-uugnay ng kaniyang personal na karanasan sa isang isyu ng lipunan. Bukod pa roon ay naglatag din ang may-akda ng mga datos na lalong nagpatibay sa kaniyang mga paglalahad. Binigyang suporta nito ang kaniyang mga karanasan at ng mga taong katulad niya.

Dangal

Ang lipunang ating ginagalawan ay mapanghusga. Gaano man kaganda ang iyong reputasyon, sa isang pagkakamali ay masisira lahat ng ito. Kaya’t karamihan sa atin ay ginagawa ang lahat upang manatiling katanggap-tanggap sa mata ng iba ang ating mga kilos at salita. May mga panahon na maaaring wasakin ng ibang tao ang ating dangal sa pamamagitan ng tsismis o kung ano pa mang paraan. Subalit kadalasan ang sarili nating mga desisyon at gawa ang sumisira sa ating dangal, sinasadya man o hindi. Ito ang ipinakita ni G. Wilwayco sa kaniyang akda na pinamagatang Dangal.


Lumaki akong konserbatibo, subalit sa pagdaan ng panahon ay natutong tanggapin ang mga kalokohan na inihahain ng mundo at sinubukang maging bukas ang isipan kung kaya hindi ako nabigla sa uri ng lengguwahe na ginamit ng may-akda. Sa kabila ng mga salitang ginamit, malinaw ang nais ipahayag ng sulatin. Ang istruktura ng akda ay nakatulong upang mas madaling maintindihan ang kuwento dahil tila nakikipag-usap lamang ito sa nagbabasa. Iisa lamang ang daloy subalit naipasok ng awtor ang ilang mga isyung panlipunan nang hindi ginugulo ang daloy ng pagkukuwento.


Hindi man tahasang binanggit, mababatid sa kilos ng mga karakter kung ano yaong tinutukoy na makasisira sa dangal ng isang tao – ang pera. Hindi pa man pumapasok si Marissa sa kuwento, nasira na ang dangal ni Chris magmula nang magkaroon siya ng maraming pera. Nagkaroon siya ng pag-iisip na lahat ng bagay ay kaya niyang tapatan ng salapi – ang mga propesor niya, mga kaklase, kaeskwela, si Marissa – na umabot sa puntong hindi na siya patas at ginagamit na lang niya ang kaniyang pera upang makalusot sa kaniyang mga gusot. Maging ang mga tumanggap ng salapi mula kay Chris, nang hawakan nila ang tseke, ay nawalan na rin ng dangal. Tila ba lumalabas na ang kanilang serbisyo ay maaari nang isantabi dahil lamang sa salapi. Halimbawa nito ay kung paanong pinalampas na lamang ng admin ang isyu na ginawa ni Chris dahil nagbigay ito ng donasyon para sa pagpapaayos ng library ng eskwelahan. Gayon din yaong mga kaklase ni Chris na noong mahirap lamang siya ay todo kung umiwas subalit noong yumaman ay nagsisidikit at umaastang mga kaibigan. Ang nagsasalaysay, sa aking pananaw, hindi man tinanggap ang isang milyon ay para na ring nawalan ng dangal dahil sa pagtanggap ng mga regalo mula kay Chris at pagiging sidekick nito. Sadyang napakalaking bagay ang nagagawa ng pera sa tao at naipakita ito ng sumulat sa pamamagitan ng akda.


Napaisip lamang ako sa karakter ng nagsasalaysay sapagkat kaibigan siya ni Chris ngunit kinonsinte niya ang asal ng huli. Inasahan ko na baka sa dulo ay pagsabihan niya ito at tulungan si Chris na maliwanagan sa kaniyang mga ginagawa subalit walang nangyaring ganoon. Iniisip ko na lamang na siguro ay sadyang kailangan iyon para sa layunin ng kuwento at dahil na rin parehas sila ni Chris, may katulad din siyang mentalidad.


Ang mga ganitong sulatin ay maaaring malarawan bilang mapangahas base na lamang sa mga batayan na mayroon ang ating lipunan. Subalit lubos na kailangan ito. Kung walang mangangahas na lumihis sa conventional na uri ng pag-iisip ay walang kamalayang mamumulat at walang pag-unlad na magaganap, hindi lamang sa larangan ng panitikan kundi pati na rin sa ating lipunan.

Kasal

Paghihiwalay. Isang salitang bagaman maraming maaaring ibig sabihin ay madalas kong bigyan ng hindi magandang konotasyon. Marahil ay dahil ito sa mga karaniwang nababasa at napapanood ko na kung saan ay palaging lungkot, galit at hinagpis ang bunga nito. Kaya’t gayon na lamang ang kirot sa aking puso, unang linya pa lamang ng kuwento. Maraming kaisipan ang naipresenta sa kuwento subalit lahat ng ito ay may iisang patutunguhan — walang permanente sa mundo kundi ang pagbabago.


Isang palaisipan sa akin kung paanong ang bawat pangungusap ay napakaganda ng pagkakahabi. Ang paggamit ng mga tayutay upang ilarawan ang nararamdaman ng karakter ay naging epektibo sa akin bilang isang mambabasa upang makisimpatiya sa kaniya. Hindi man ako eksperto sa pagsuri ng ganitong mga akda, sa tingin ko ay isang malaking bagay kung nagagawa ng isang manunulat na ihatid sa kaniyang mambabasa ang emosyon gamit ang mga salita at maimpluwensiyahan din ang kanilang damdamin.


Kakambal na rin nga siguro ng paghihiwalay ang sakit. Kahit na nagkasundo ang dalawang tauhan sa kuwento na palayain ang isa’t-isa, mahihinuha na hindi madali para sa kanila iyon. Subalit kung wala na ngang patutunguhan ang isang relasyon, ano pang dahilan upang ipagpatuloy ito? Marahil kung ipabasa ko ito sa aking mga magulang o lolo’t lola, tiyak na kokontrahin nila ang sinaaabi sa akda. Subalit hindi naman natin sila masisisi sapagkat tradisyunal ang kanilang paniniwala, na kapag itinali na kayo ng isang papel at binasbasan ng simbahan ay kailangang manatili sa piling ng isa’t-isa hanggang kamatayan. Ngunit ito nga ang gustong baliin ni G. Guieb. Hindi lahat ng relasyon ay dapat mapait ang pagtatapos at hindi porke may mga dokumentong nagbibigkis sa pagsasama ng dalawang tao ay hindi na ito puwedeng masira.

“Hindi na maibabalik ang mga iyon, hanggang doon lang iyon. At iyon lang iyon. At iyon ‘yon. Nasa kanilang transcience ang kanilang permanence.”


Hindi naman na bago ang nais ipahiwatig ng katagang ito mula sa akda. Ang tao, madalas, ay takot sa pagbabago. Subalit mas binigyang kabuluhan ng awtor ang palalatag sa paksang ito dahil inunawa at tinanggap ng kaniyang mga tauhan ang pagbabago. Ang pag-intindi ang naging susi upang maghiwalay sila ng walang galit sa kanilang mga puso. Batid din ng mga karakter na pagbaba nila ng bundok ay tuluyan nang magbabago ang kanilang mga buhay.

Maraming mga tao ang naniniwala na ang pag-ibig ay dapat ipinaglalaban at hindi dapat sukuan kahit anong mangyari. Subalit sa kuwentong ito ipinakita na isang porma ng pagpapakita ng pagmamahal ang pagpapalaya, bagay na pinaniniwalaan kong mahalagang maunawaan ng marami. Ang isang relasyon ay dapat na nagiging daan upang lumago ang isang tao bilang isang indibiduwal at hindi iginagapos sa kinalalagyan niya. Kung kasama sa paglagong ito ay ang pagtahak ng ibang landas na hindi kasama ang kapareha, kailangan na maintindihan ito ng isa at palayain din ang sarili niya mula sa lungkot at sakit na madarama.

Panitikan: Ano, Bakit at Paano?

Isang linggo na ang nakakaraan mula nang magleksyon kami sa aming kursong Panitikang Filipino. Ilang araw ko ring pinagmumunihan kung ano nga bang mga natutunan ko sa diskusyon sa mga pangkaraniwang tanong tungkol sa panitikan. Maraming mga manunulat na nabanggit at karamihan sa mga pangalan ay bago sa aking pandinig. Mayroon ding mga kaisipan na natalakay at noon ko lamang napagtanto kung gaano ako kaignorante sa usaping panitikan.


Ano ang panitikan? Magmula high school ay tinuturo na sa amin na ang panitikan ay lipon ng mga sulatin na sinasalamin ang mga ideya ng isang tao at kultura ng isang bansa. Matagal ding umikot sa depinisyong ito ang pagkakaintindi ko sa panitikan. Subalit higit pa pala rito ang panitikan. Hindi lamang ito simpleng mga sulatin. Sa halip, ito ay isang sining. Kagaya ng ibang sining ay kaya nitong haplusin ang puso ng mga mambabasa. Sining na may katuturan ang sinasabi sa indibiduwal at lipunan.


Bakit mahalagang pag-aralan ang panitikan? Pinapabasa kami ng mga akda, sinusuri ang mensahe at pagkatapos noon ay wala na. Ngunit sa panahon ngayon ay mas mahalaga na mapag-aralan ang panitikan dahil sinasalamin nito ang realidad ng lipunan. Isinulat ang mga akdang ito ng tao para sa tao.


Noon ay sinasabi sa amin na dapat naming pag-aralan ang panitikan ng ibang bansa upang maunawaan ang kultura nila. Ngunit bilang mag-aaral sa high school ay wala na akong ibang makitang importansiya na maidudulot nito. Ngayon ko lamang napagtanto na sa isang banda ay kamukha natin sila. Pare-parehas tayong biktima ng isang mapang-abusong lipunan. Sa pamamagitan ng panitikan ay mas naiintindihan natin sila at napagyayabong ang ating simpatiya bilang isang tao. Ang panitikan ay nagsisilbing instrumento sa paglago ng isang tao bilang indibiduwal at miyembro ng lipunan.


Paano pinag-aaralan ang panitikan? Mayroong tatlong pangunahing batayan sa pag-aaral ng panitikan. Ito ay ang anyo, nilalaman at orihinalidad. Bawat isa ay may ginagampanang papel upang maging maganda ang isang akda. Subalit para sa akin, ang nilalaman ang pinakapuso nito. Maayos man ang paglalahad at anyo ng isang sulatin, nakasasalay pa rin sa nilalaman ang pagiging interesting nito. Maging ang orihinalidad ay nakabatay sa nilalaman. Ang nilalaman din ang nagtutulak sa mambabasa upang mag-isip ng kritikal at mabigyang kahulugan niya ang kaniyang binabasa.


Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi magiging madali para sa isang katulad ko na hindi labis ang pagkahilig sa pagbabasa. Subalit umaasa ako na mas magiging interesado ako dito at kalauna’y matutulungan ako na magkaroon pa ng dagdag kaalaman.

Introduce Yourself (Example Post)

This is an example post, originally published as part of Blogging University. Enroll in one of our ten programs, and start your blog right.

You’re going to publish a post today. Don’t worry about how your blog looks. Don’t worry if you haven’t given it a name yet, or you’re feeling overwhelmed. Just click the “New Post” button, and tell us why you’re here.

Why do this?

  • Because it gives new readers context. What are you about? Why should they read your blog?
  • Because it will help you focus you own ideas about your blog and what you’d like to do with it.

The post can be short or long, a personal intro to your life or a bloggy mission statement, a manifesto for the future or a simple outline of your the types of things you hope to publish.

To help you get started, here are a few questions:

  • Why are you blogging publicly, rather than keeping a personal journal?
  • What topics do you think you’ll write about?
  • Who would you love to connect with via your blog?
  • If you blog successfully throughout the next year, what would you hope to have accomplished?

You’re not locked into any of this; one of the wonderful things about blogs is how they constantly evolve as we learn, grow, and interact with one another — but it’s good to know where and why you started, and articulating your goals may just give you a few other post ideas.

Can’t think how to get started? Just write the first thing that pops into your head. Anne Lamott, author of a book on writing we love, says that you need to give yourself permission to write a “crappy first draft”. Anne makes a great point — just start writing, and worry about editing it later.

When you’re ready to publish, give your post three to five tags that describe your blog’s focus — writing, photography, fiction, parenting, food, cars, movies, sports, whatever. These tags will help others who care about your topics find you in the Reader. Make sure one of the tags is “zerotohero,” so other new bloggers can find you, too.

Design a site like this with WordPress.com
Get started