Ritwal

Nakapupukaw ng damdamin at kamalayan. Ganito ko mailalarawan ang akda ni Levy Balgos Dela Cruz na pinamagatang Ritwal. Nailathala man noon pa mang 1998, ang kuwento ay nagsisilbi pa ring isang salamin ng kalagayan ng ating lipunan sa kasalukuyan.


Sa teknikal na aspeto ay di maipagkakailang mahusay ang manunulat. Bagaman nakababagot nang bahagya ang mga unang kabanata ng maikling nobela dahil sa tila mabagal na pacing ay tanto ko namang kinailangan ito upang mabuo ang pundasyon ng kuwento. Buong buo ang pagkakakilanlan ng bawat karakter na kahit ilang linggo na ang nakakaraan matapos ko itong basahin ay natatandaan ko pa rin kung paano ako nainis kay Maestro Gido, napatawa ng introduksyon sa karakter nina Isabel at Daling, naawa kay Anna at humanga sa mag-asawang Corpus. Ang paraan ng paglalarawan ng mga bagay bagay sa kuwento ay naging epektibo upang maramdaman ng mambabasa ang pananahan sa isang probinsiya.


Ipinapakita ng kuwento kung paanong ang kamangmangan, pagsabay sa agos at pagtanggap na lamang ng sitwasyon, at ang patuloy na pagpapakulong sa sarili nating mga paniniwala ay nagiging mapanganib at nagtutulak sa atin sa kapahamakan. Katulad ng karakter ni Maestro Gido, maraming may kapangyarihan ang patuloy na gagamitin ang kawalan ng sapat na kaalaman ng mga mamamayan upang sila lamang ang makinabang habang nagbibigay ng mapagkunwaring pagtulong. Ganito ang eksaktong nangyari sa mga taong naninirahan sa Santo Sepulcro. Binulag sila ng kanilang mga paniniwala tungkol kay Maestro Gido kung kaya umabot pa sa puntong may namatay at batang pinagsamantalahan upang mamulat sila sa pananamantala ni Gido. Ipinakita kung paanong ang mga paniniwala, partikular ang relihiyon, ay ginagamit upang manipulahin ang isipan ng mga mamamayan.


Edukasyon ang pinakamabisang paraan upang magamot ang kamangmangan na ito at makawala sa gapos ng mapagsamantala. Sa kuwento ay nagsilbing liwanag ang mag-asawang Corpus sa bayan ng Santo Sepulcro sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa mga residente nito. Dito na makikita kung paanong ang mga tradisyonal at modernong mga kaisipan ay nagbabanggaan. Gayunpaman, naging bukas ang isipan ng maraming residente tungkol sa mga modernong paliwanag ng mga tradisyonal nilang kaugalian, partikular na ang sa paggamot ng kanilang mga pangkaraniwang sakit. Sa tulong ng mag-asawang Corpus, nagawang makaalpas ng mga taga Santo Sepulcro sa mapang-abusong paghahari-harian ni Gido at mapaunlad ang kanilang bayan.


Noong inakala kong magiging maayos na ang lahat sa bayan ay tsaka naman muling humarap sa isa na namang pagsubok ang mga residente nito. Ang mga taga Santo Seplucro na nagsimula nang tumayo sa kanilang sariling mga paa ay bigla na lamang paaalisin ng mga opisyal sa lupang kanilang tinitirhan. Isa itong paglalarawan ng pagpapahirap at pagapaparanas ng opresyon sa mga taong ang tanging “kasalanan” ay ang pagiging mulat at paggawa ng aksyon upang sila ay mapabuti ang kalagayan.

“Hindi, hindi pa tapos ang istorya’t historya ng Santo Sepulcro.”


Maging sa tunay na buhay ay hindi matatapos ang istorya at historya ng Santo Seplucro.

Design a site like this with WordPress.com
Get started