Paghihiwalay. Isang salitang bagaman maraming maaaring ibig sabihin ay madalas kong bigyan ng hindi magandang konotasyon. Marahil ay dahil ito sa mga karaniwang nababasa at napapanood ko na kung saan ay palaging lungkot, galit at hinagpis ang bunga nito. Kaya’t gayon na lamang ang kirot sa aking puso, unang linya pa lamang ng kuwento. Maraming kaisipan ang naipresenta sa kuwento subalit lahat ng ito ay may iisang patutunguhan — walang permanente sa mundo kundi ang pagbabago.
Isang palaisipan sa akin kung paanong ang bawat pangungusap ay napakaganda ng pagkakahabi. Ang paggamit ng mga tayutay upang ilarawan ang nararamdaman ng karakter ay naging epektibo sa akin bilang isang mambabasa upang makisimpatiya sa kaniya. Hindi man ako eksperto sa pagsuri ng ganitong mga akda, sa tingin ko ay isang malaking bagay kung nagagawa ng isang manunulat na ihatid sa kaniyang mambabasa ang emosyon gamit ang mga salita at maimpluwensiyahan din ang kanilang damdamin.
Kakambal na rin nga siguro ng paghihiwalay ang sakit. Kahit na nagkasundo ang dalawang tauhan sa kuwento na palayain ang isa’t-isa, mahihinuha na hindi madali para sa kanila iyon. Subalit kung wala na ngang patutunguhan ang isang relasyon, ano pang dahilan upang ipagpatuloy ito? Marahil kung ipabasa ko ito sa aking mga magulang o lolo’t lola, tiyak na kokontrahin nila ang sinaaabi sa akda. Subalit hindi naman natin sila masisisi sapagkat tradisyunal ang kanilang paniniwala, na kapag itinali na kayo ng isang papel at binasbasan ng simbahan ay kailangang manatili sa piling ng isa’t-isa hanggang kamatayan. Ngunit ito nga ang gustong baliin ni G. Guieb. Hindi lahat ng relasyon ay dapat mapait ang pagtatapos at hindi porke may mga dokumentong nagbibigkis sa pagsasama ng dalawang tao ay hindi na ito puwedeng masira.
“Hindi na maibabalik ang mga iyon, hanggang doon lang iyon. At iyon lang iyon. At iyon ‘yon. Nasa kanilang transcience ang kanilang permanence.”
Hindi naman na bago ang nais ipahiwatig ng katagang ito mula sa akda. Ang tao, madalas, ay takot sa pagbabago. Subalit mas binigyang kabuluhan ng awtor ang palalatag sa paksang ito dahil inunawa at tinanggap ng kaniyang mga tauhan ang pagbabago. Ang pag-intindi ang naging susi upang maghiwalay sila ng walang galit sa kanilang mga puso. Batid din ng mga karakter na pagbaba nila ng bundok ay tuluyan nang magbabago ang kanilang mga buhay.
Maraming mga tao ang naniniwala na ang pag-ibig ay dapat ipinaglalaban at hindi dapat sukuan kahit anong mangyari. Subalit sa kuwentong ito ipinakita na isang porma ng pagpapakita ng pagmamahal ang pagpapalaya, bagay na pinaniniwalaan kong mahalagang maunawaan ng marami. Ang isang relasyon ay dapat na nagiging daan upang lumago ang isang tao bilang isang indibiduwal at hindi iginagapos sa kinalalagyan niya. Kung kasama sa paglagong ito ay ang pagtahak ng ibang landas na hindi kasama ang kapareha, kailangan na maintindihan ito ng isa at palayain din ang sarili niya mula sa lungkot at sakit na madarama.