Ang lipunang ating ginagalawan ay mapanghusga. Gaano man kaganda ang iyong reputasyon, sa isang pagkakamali ay masisira lahat ng ito. Kaya’t karamihan sa atin ay ginagawa ang lahat upang manatiling katanggap-tanggap sa mata ng iba ang ating mga kilos at salita. May mga panahon na maaaring wasakin ng ibang tao ang ating dangal sa pamamagitan ng tsismis o kung ano pa mang paraan. Subalit kadalasan ang sarili nating mga desisyon at gawa ang sumisira sa ating dangal, sinasadya man o hindi. Ito ang ipinakita ni G. Wilwayco sa kaniyang akda na pinamagatang Dangal.
Lumaki akong konserbatibo, subalit sa pagdaan ng panahon ay natutong tanggapin ang mga kalokohan na inihahain ng mundo at sinubukang maging bukas ang isipan kung kaya hindi ako nabigla sa uri ng lengguwahe na ginamit ng may-akda. Sa kabila ng mga salitang ginamit, malinaw ang nais ipahayag ng sulatin. Ang istruktura ng akda ay nakatulong upang mas madaling maintindihan ang kuwento dahil tila nakikipag-usap lamang ito sa nagbabasa. Iisa lamang ang daloy subalit naipasok ng awtor ang ilang mga isyung panlipunan nang hindi ginugulo ang daloy ng pagkukuwento.
Hindi man tahasang binanggit, mababatid sa kilos ng mga karakter kung ano yaong tinutukoy na makasisira sa dangal ng isang tao – ang pera. Hindi pa man pumapasok si Marissa sa kuwento, nasira na ang dangal ni Chris magmula nang magkaroon siya ng maraming pera. Nagkaroon siya ng pag-iisip na lahat ng bagay ay kaya niyang tapatan ng salapi – ang mga propesor niya, mga kaklase, kaeskwela, si Marissa – na umabot sa puntong hindi na siya patas at ginagamit na lang niya ang kaniyang pera upang makalusot sa kaniyang mga gusot. Maging ang mga tumanggap ng salapi mula kay Chris, nang hawakan nila ang tseke, ay nawalan na rin ng dangal. Tila ba lumalabas na ang kanilang serbisyo ay maaari nang isantabi dahil lamang sa salapi. Halimbawa nito ay kung paanong pinalampas na lamang ng admin ang isyu na ginawa ni Chris dahil nagbigay ito ng donasyon para sa pagpapaayos ng library ng eskwelahan. Gayon din yaong mga kaklase ni Chris na noong mahirap lamang siya ay todo kung umiwas subalit noong yumaman ay nagsisidikit at umaastang mga kaibigan. Ang nagsasalaysay, sa aking pananaw, hindi man tinanggap ang isang milyon ay para na ring nawalan ng dangal dahil sa pagtanggap ng mga regalo mula kay Chris at pagiging sidekick nito. Sadyang napakalaking bagay ang nagagawa ng pera sa tao at naipakita ito ng sumulat sa pamamagitan ng akda.
Napaisip lamang ako sa karakter ng nagsasalaysay sapagkat kaibigan siya ni Chris ngunit kinonsinte niya ang asal ng huli. Inasahan ko na baka sa dulo ay pagsabihan niya ito at tulungan si Chris na maliwanagan sa kaniyang mga ginagawa subalit walang nangyaring ganoon. Iniisip ko na lamang na siguro ay sadyang kailangan iyon para sa layunin ng kuwento at dahil na rin parehas sila ni Chris, may katulad din siyang mentalidad.
Ang mga ganitong sulatin ay maaaring malarawan bilang mapangahas base na lamang sa mga batayan na mayroon ang ating lipunan. Subalit lubos na kailangan ito. Kung walang mangangahas na lumihis sa conventional na uri ng pag-iisip ay walang kamalayang mamumulat at walang pag-unlad na magaganap, hindi lamang sa larangan ng panitikan kundi pati na rin sa ating lipunan.